Direktang lipad mula Manila tungong Zhangjiajie, ilulunsad: ruta mula Beijing tungong Pilipinas, balak ding buksan

2024-03-13 17:06:28  CMG
Share with:

Upang mapabuti ang pagpapalitan ng mga Pilipino at Tsino, magbubukas ang direktang lipad mula Manila hanggang lunsod Zhangjiajie ng Tsina sa Marso 28, 2024.


Ang naturang ruta ay ilulunsad ng Hunan-Samar China-Philippines Cultural Development Incorporated (HSCPCDI), isang Pilipinong kompanyang nakabase sa Tsina at Hunan Jimmy Fan International Travel Service Corporation Limited, isang kompanyang Tsino.


Ang Zhangjiajie ay lugar kung saan kinuha ang tagpong tinaguriang “Pandora” sa kilalang pelikulang “Avatar,” at ito ay tinatawag ding “Bundok Hallelujah.”


Sa panayam sa Serbisyo Filipino, sinabi ni Luz Lopez, may-ari ng HSCPCDI, na umpisa pa lamang ang proyektong ito at marami pa silang nakalinyang aktibidad na magpapakilala ng isangkatutak pang makahulog-hiningang lugar sa mga kababayang Pilipino.

Aniya, 186 na turistang Pilipino ang nakatakdang lumapag sa lunsod Zhangjiajie sa Marso 28, at 5 araw silang mananatili roon upang pasyalan ang mga lugar na sumikat sa takilya, tikman ang mga lokal na putahe at siyempre, kilalanin ang kulturang Tsino sa Zhangjiajie.

Pansamantala, apat na buwan aniya ang itatagal ng direktang lipad mula Manila hanggang Zhangjiaje, at ito’y mula Marso hanggang Hunyo ng taong ito. Pero may plano ang kompanya na gawing pangmatagalan ang nasabing ruta.  


Siyempre, hindi lamang aniya mga Pilipino ang dadalhin nila sa Tsina, kundi hihikayatin din ang mga Tsino upang bumisita sa Pilipinas.


Si Lopez ay tubong Catarman, Northern Samar, at nais niyang idebelop ang Negros bilang kilalang lugar panturista, kasabay ng Bohol, Cebu, Boracay, Davao, at iba pa.


Sa katapusan ng 2024, posible aniyang ilunsad ang direktang lipad mula Beijing, kabisera ng Tsina patungo sa mga lugar na nabanggit.


Ito ay para magkaroon ng mas mabuting bilateral na pagkakaunawaan ang mga Pilipino at Tsino sa larangan ng kultura’t kagawian, pagkain, at magagandang tanawin, dagdag niya.


Bukod diyan, sinabi ni Lopez, na nakakasa na rin ang direktang lipad mula Manila hanggang lunsod Haikou, lalawigang Hainan ng Tsina, at sa lalong madaling panahon ay ilalabas na ang iskedyul at iba pang importanteng detalye.


Aniya pa, sa nalalapit na panahon, isusulong din ng kanilang kompanya ang 2 pang direktang ruta mula Manila hanggang lunsod Huangshan, lalawigang Anhui at Manila hanggang lunsod Hohhot, Inner Mongolia Autonomous Region ng Tsina.


Bukod sa turismo, kasama rin ang kalakalan at pamumuhunan sa mga aktibidad ng kompanya ni Lopez, at hinggil dito sinabi niyang plano rin nilang magpakilala ng mga produktong Pilipino, na gaya ng kapeng barako, produktong niyog, durian, at iba pang prutas sa merkadong Tsino.


“Nakikipagtulungan na kami ngayon sa kompanyang Project Bean ng Pilipinas upang maipakilala ang kapeng barako sa mga Tsino,” saad niya.

Binigyang-diin ni Lopez, na masigla at malaki ang nakatagong potensyal ng merkadong Tsino, lalo na para sa mga produktong Pilipino, kaya naman kailangan-kailangang palakasin ang kultural na pagkakaunawaan, isulong ang pagtutulungan sa kalakalan at pamumuhunan, at higit sa lahat, lalo pang pabutihin ang pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino, upang magkaroon ng kaunlaran at mabuting kinabukasan.

Si Luz Lopez

Ulat at larawan: Rhio Zablan

Patnugot sa nilalaman: Jade

Patnugot sa website: Lito