Q&A Ukol sa SCS: Sino ang bumabago ng status quo ng Ren’ai Jiao?

2024-05-15 15:52:33  CMG
Share with:

 

Magkahiwalay na inihayag kamakailan nina National Security Adviser Eduardo Ano, Kalihim ng Tanggulan Gilberto Teodoro, at Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA), na walang anumang kasunduan ang Pilipinas at Tsina hinggil sa isyu ng Ren’ai Jiao.

 

Kaugnay nito, ipinahayag ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na kasama ng Pilipinas, palagi at masikap na nilulutas ng panig Tsino ang mga hidwaan sa dagat sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, at ang mga komong palagay na “maginoong kasunduan” at “bagong modelo” ay nagpapakita ng katapatan at pagsisikap ng panig Tsino.

 

Aniya, noong Mayo 1999, iligal na isinadsad ng pamahalaang Pilipino sa Ren’ai Jiao ang BRP Sierra Madre.

 

Ayon sa Artikulo 5 ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), dapat "iwasan ang pagkakaroon ng habitasyon ng tao sa mga isla, reef, shoal, cay, at iba pang mga lugar na kasalukuyang walang naninirahan.”

 

Kahit ipinangako ng panig Pilipino na aalisin ang nasabing bapor, nananatili pa ring nakapako ang pangako nito.

 

Sa termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, narating ng dalawang bansa ang “maginoong kasunduan,” at ayon dito, hindi magdadala ng materyal-pangkonstruksyon ang Pilipnas sa BRP Sierra Madre, at isasagawa ng panig Tsino pagmo-monitor sa paghahatid ng mga kailangang suplay ng mga Pilipinong sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre.

 

Ang naturang kasunduan ay naging epektibo hanggang Pebrero 2023.

 

Noong Setyembre 2023, bumisita sa Tsina ang espesyal na sugo ng pangulong Pilipino sa mga suliraning may kinalaman sa Tsina, at nagkaroon ng komong palagay ang dalawang panig hinggil sa paghawak at pagkontrol sa kalagayan ng Ren’ai Jiao.

 

Sa kabila nito, tumalikod ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa nasabing komong palagay matapos ang isang beses na paghahatid ng mga suplay.

 

Sa unang dako ng 2024, isinagawa ng panig Tsino, kasama ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP WESCOM) ang paulit-ulit na talastasan para marating ang “bagong modelo” ng paghahatid ng mga suplay sa Ren’ai Jiao.

 

Kinumpirma ng AFP WESCOM, na sinang-ayunan ng buong kadena ng kapangyarihan ng bansa na kinabibilangan ng Kalihim ng Tanggulang Bansa, at National Security Adviser ang naturang bagong modelo.

 

Pero noong Pebrero 2024, tinalikuran ito ng administrasyong Marcos Jr. matapos ang isang resupply mission.

 

Diin ni Lin, hindi kayang itanggi ng mga pananalita ng administrasyong Marcos Jr. ang mga katotohanang narating ng dalawang bansa.

 

Layon aniya ng naturang mga kasunduan at komong palagay na kontrolin ang hidwaan, iwasan ang sagupaan, itatag ang pagtitiwalaan, at pangalagaan ang katatagan at kapayapaan sa Ren’ai Jiao.

 

Hinihimok aniya ng panig Tsino ang Pilipinas na sundin ang pangako, itigil ang pagpinsala sa teritoryo at soberanya ng Tsina, at bumalik sa landas ng paglutas ng pagkakaiba sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.


Salin: Ernest

Pulido: Rhio