Extravaganza ng Timogsilangang Asya, idinaos sa Shanghai: kulturang ASEAN, itinanghal

2024-05-20 16:35:00  CMG
Share with:


Makukulay na kasuotan, nakakaindak na sayaw, nakahuhumaling na mga awit, masasarap na pagkain, at masayang atmospera ng kapistahang may karakteristiko ng Timogsilangang Asya: iyan ang deskripsyon ng “Southeast Asia Extravaganza Pop-up Market” na idinaos mula Mayo 17 hanggang 19, 2024 sa lugar na kung tawagin ay Inlet, lunsod Shanghai, gawing silangan ng Tsina.



Sa ilalim ng layunin ng pagpapalakas ng kultural na pagkakaunawaan, pagpapatibay ng pagkakaibigan, at pagpapasulong ng negosyo sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, at mga bansa ng Timogsilangang Asya at Tsina, ang nasabing kaganapan ay ang kauna-unahang pisikal na pagtitipon ng mga kompanya, alagad ng sining, representante ng konsulada, at samahang pang-komersyo ng Pilipinas at Timogsilangang Asya sa Shanghai.


Ilan sa mga pagtatanghal, produkto’t pagkaing handa


Sa kanyang pambungad na talumpati sinabi ni Konsul Heneral Dinno M. Oblena ng Konsulada ng Pilipinas sa Shanghai, na dahil ang mga tagapag-organisa at kalahok na negosyante’t kompanya ay nasa sentro ng ekonomiya at pananalapi ng Tsina, sila ay may natatangi at masuwerteng plataporma upang isulong, ibahagi at ipakita ang kultura ng Timogsilangang Asya.


Konsul Heneral Dinno M. Oblena


Ayon naman kay Carol Ong, Co-founder ng Philippine Chamber of Business Professionals Shanghai (PhilChamSH), maliban sa mga kompanyang mula sa Pilipinas, Thailand, Biyetnam, Singapore, at Indonesya, dumalo sa pagtitipon ang maraming kaibigang Tsino, mga representante ng lokal na pamahalaan ng Shanghai, iba pang samahang pang-komersyo, konsulada ng iba’t-ibang bansa, at kaibigan mula sa mga komunidad ng dayuhan sa lunsod.


Ito ay tunay na napakahalagang kaganapan sa pagpapasulong ng ugnayang Pilipino-Sino at Timogsilangang Asyano-Sino, saad ni Ong.


Ito rin aniya ay isang katunayan, na kayang gumawa ng matagumpay at napapanahong  aktibidad ng nagkakaisang komunidad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Shanghai.


Nasa 30 ang mga kalahok na eksibitor, dagdag niya.


Carol Ong


Ilan sa mga ito ay mga kompanyang tulad ng Bebebalm, Dai-ichi, Oishi, PB Com Sari-sari Store, Rebisco, Dear Sugar, We Thai, Vietnamese Homemade, Toko Suri ng Singapore, Department of Tourism – Shanghai Office, Konsulada ng Indonesya sa Shanghai, Artistang si Jensen Moreno, at marami pang iba.


Ilan sa mga kasaling kompanya


Samantala, sinabi naman ni Joe Santiago, isa pang Co-founder ng PhilChamSH, na idinaos ang naturang extravaganza upang ipamalas at ibahagi ang makulay na kultura, ipatikim ang katakam-takam na mga pagkain ng Timogsilangang Asya sa mga kaibigang Tsino, at patibayin ang pagpapalitang tao-sa-tao ng dalawang panig.


Ito aniya ang simulaing nais pang pagbutihin at isagawa ng PhilChamSH, taun-taon.


Sa kabila ng dibersidad, naniniwala siyang sa pamamagitan ng Southeast Asia Extravaganza Pop-up Market, mas mapapalakas ang ugnayan sa pagitan ng mga Timogsilangang Asyano at Tsino.


Joe Santiago


Ang Southeast Asia Extravaganza Pop-up Market ay inorganisa ng PhilChamSH, sa pagpupunyagi nina Michelle Nocom, Leemie Yue, at suporta nina Mark Ibanez at Rusty Anota.


Iba pang mga larawan

 

 

May-akda at larawan: Rhio Zablan at Vera

Larawan: PhilChamSH

Patnugot sa teksto: Jade

Patnugot sa website: Vera