Punong Ministro ng Italya, kinatagpo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina

2024-07-30 10:48:59  CMG
Share with:

Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo kay Giorgia Meloni, dumadalaw na Punong Ministro ng Italya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang Tsina at Italya ay nasa dalawang dulo ng sinaunang Silk Road, at ang matagal na mapagkaibigang pagpapalitan sa pagitan ng dalawang bansa ay gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa pangkalahatang pagpapalitan at pag-aaral sa pagitan ng mga sibilisasyong Silangan at Kanluran, at sa pag-unlad at progreso ng lipunan ng sangkatauhan.


Sinabi niya na sa ngayon, dapat itaguyod at isulong ng Tsina at Italya ang diwa ng Silk Road, at pakitunguhan at paunlarin ang bilateral na relasyon sa historikal, estratehiko at pangmalayuang pananaw upang mapasulong ang matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Italyano.


Diin ni Xi, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Italyano ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.


Sa kabila ng sustenable at malalim na pagbabago ng kasalukuyang situwasyong pandaigdig, hindi nagbabago ang mithiin ng panig Tsino sa pagpapahalaga at pagpapaunlad ng relasyong Sino-Italyano, hindi nagbabago ang esensya ng kooperasyong Sino-Italyano, at hindi nagbabago ang mpagkaibigang damdamin ng mga mamamayang Sino-Italyano, saad niya.


Umaasa ang panig Tsino na mauunawaan at kakatigan ng panig Italyano ang ideyang pangkaunlaran ng Tsina para mapatingkad ang konstruktibong papel sa pagpapalakas ng diyalogo at kooperasyon at pagpapasulong ng positibo at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo, dagdag pa niya.


Inihayag naman ni Meloni na malalimang nagbabago ang kasalukuyang situwasyong pandaigdig. Bilang mahalagang malaking bansa, di-mahahalinhan ang papel ng Tsina sa pagharap nito sa mga hamong pandaigdig.


Lubos aniyang pinahahalagahan ng panig Italyano ang katayuan at papel ng Tsina sa daigdig, at kasama ng panig Tsino, nakahandang paunlarin ng panig Italyano ang mas mahigpit at mas mataas na partnership upang makalikha ng bagong kabanata ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng dalawang bansa at makapagbigay ng bagong ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.


Buong tatag na iginigiit ng panig Italyano ang prinsipyong isang-Tsina, diin pa niya.


Salin: Lito

Pulido: Ramil