Mula Agosto 18 hanggang 20, 2024, isinagawa ni To Lam, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Biyetnam (CPV) at Pangulo ng bansa ang dalaw-pang-estado sa Tsina.
Ito ang kauna-unahang pagdalaw ni To Lam sa ibayong dagat, sapul nang manungkulan siya bilang Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPV noong unang dako ng buwang ito, bagay na nagpapakita ng mataas na lebel at pagiging estratehiko ng relasyong Sino-Biyetnames.
Sa pakikipag-usap ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulong Tsino kay To Lam, kapuwa ipinagdiinan ng dalawang lider ang mga salitang gaya ng “priyoridad” at “pagpapalalim.”
Inihayag nilang tuluy-tuloy na palalalimin ang konstruksyon ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan at estratehikong katuturan ng dalawang bansa.
Tinukoy ng tagapag-analisa na ang pahayag ng magkabilang panig ay nagpapakita ng espesyal na pagkakaibigan ng Tsina at Biyetnam, pati na rin ng mithiin at determinasyon nila sa pagpapalalim ng kooperasyon sa panahon ng kani-kanilang masusing panahon ng pag-unlad.
Ang pagpapalalim ng konstruksyon ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Biyetnam ay para sa kaunlaran ng dalawang bansa, maging ng buong daigdig.
Sa hinaharap, palalakasin ng kapuwa panig ang koordinasyon sa mga multilateral na mekanismong gaya ng United Nations (UN), Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Lancang-Mekong Cooperation (LMC) at iba pa, pag-iibayuhin ang kooperasyon sa ilalim ng Global Development Initiative, Global Security Initiative at Global Civilization Initiative na iniharap ng panig Tsino, at pasusulungin ang pagbuo ng pantay at maayos na multi-polar na daigdig at inklusibong ekonomikong globalisasyong makakapaghatid ng benepisyo sa lahat.
Ang pagpapalalim ng konstruksyon ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at Biyetnam sa hinaharap ay makakapaghatid ng mas maraming benepisyo sa kani-kanilang mamamayan, at gagawa rin ng mas malaking ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon at daigdig.
Sa makabagong panahon, patitingkarin ang makabagong kasiglahan ng tradisyonal na pagkakaibigan ng dalawang bansa na parang “magkasama at magkapatid.”
Salin: Vera
Pulido: Ramil