Nang kapanayamin kamakailan ng mamamahayag na Tsino, sinabi ni Le Luong Minh, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN, na ang mapayapang pag-unlad ng Tsina ay nakakabuti sa buong rehiyon na kinabibilangan ng ASEAN.
Ani Le, sa aspekto ng pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan, ang Tsina ay mahalagang partner ng ASEAN. Ang pag-ahon ng Tsina ay nagdudulot ng napakalaking pagkakataon para sa ASEAN. Kasabay nito, ang isang malakas, matatag at nagkakaisang ASEAN ay angkop sa kapakanan ng rehiyong ito na kinabibilangan ng Tsina. Dagdag pa niya, patuloy at mahigpit na makikipagtulungan ang ASEAN sa Tsina para maigarantiya ang kapakinabangan ng iba't ibang bansa sa rehiyong ito sa mapayapang pag-unlad.
Nang mabanggit ang kasalukuyang relasyon ng Tsina at ASEAN, ipinahayag ni Le na sapul nang itatag ang komprehensibong dialogue partnership ng Tsina at ASEAN noong Hulyo ng 1996, malaki na ang iniunlad ng relasyon ng kapuwa panig. Noong Oktubre ng 2003, nilagdaan ng Tsina at ASEAN ang "Magkasanib na Deklarasyon ng Estratehikong Partnership Tungo sa Kapayapaan at Kasaganaan." Ito ay palatandaan ng pagsisimula ng bagong yugto ng relasyon ng dalawang panig. Ang plano ng pagpapatupad ng naturang deklarasyon ay hindi lamang nagsilbing roadmap ng dialogue relation ng Tsina at ASEAN, kundi nagpalakas din sa estratehikong partnership nila sa mga larangang gaya ng pagpapasulong ng kapayapaan, kaunlaran at kasaganaan ng rehiyong ito.
Ayon kay Le Luong Minh, ang Tsina ay unang bansa na nagsimula ng talastasan sa malayang sonang pangkalakalan sa ASEAN, at unang dialogue partner ng ASEAN na lumagda sa "Kasunduan sa Kooperasyong Pangkaibigan ng Timog Silangang Asya." Nagbigay ang Tsina ng positibong ambag para sa proseso ng integrasyon ng ASEAN at konstruksyon ng ASEAN Community.
Nitong nakalipas na ilang taon, kasabay ng walang humpay na pagtaas ng pangkalahatang puwersa ng estado, mas aktibong nakikisangkot ang Tsina sa mga suliraning pandaigdig. Kaugnay nito, ipinahayag ni Le na bilang pirmihang kasaping bansa ng United Nations Security Council, malaki ang naibigay na ambag ng Tsina sa pangangalaga sa kapayapaan at kaligtasan ng buong mundo. Buong pananabik na inaasahan niya ang pagpapatingkad ng Tsina ng mas mahalagang papel sa aspekto ng pangangalaga sa kapayapaan, katiwasayan at katatagan ng daigdig.