Si Premyer Li Keqiang ng Tsina at Jacob Lew
Sa kanyang pakikipag-usap dito sa Beijing kahapon kina John Kerry at Jacob Lew, mga espesyal na kinatawan ni Pangulong Barack Obama ng Amerika sa 6th US-China Strategic and Economic Dailogue at 5th US-China Meeting on People-to-People Exchanges, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang naturang dalawang pagtitipon ay nagsisilbing plataporma para mapahigpit ang pagtitiwalaan at mapasulong ang pagtutulungan ng dalawang bansa. Umaasa aniya siyang maigigiit ng Tsina at Amerika ang tumpak na direksyon sa pagtatatag ng kanilang bagong relasyon at maisasakatuparan ang prinsipyong pag-iwas sa sagupaan at komprontasyon, paggagalangan at pagtutulungang may mutuwal na kapakinabangan. Ito aniya'y hindi lamang angkop sa komong interes ng dalawang bansa, kundi makakatulong din sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Sinabi ni Li na bilang pinakamalaking umuunlad at maunlad na bansa sa daigdig, nagkokomplemento ang mga kabuhayan ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Amerika, para mapasulong ang talastasan hinggil sa kasunduan ng bilateral na pamumuhunan. Umaasa rin aniya siyang mapapaluwag ng Amerika ang patakarang pangkalakalan sa Tsina sa pagluluwas ng high-tech products na pansibilyang gamit, enerhiya at konstruksyon ng imprastruktura.
Ipinahayag naman nina John Kerry at Jacob Lew ang pagtanggap sa tagumpay na natatamo ng Tsina sa reporma at pagbubukas sa labas. Anila, ang pagpapahigpit ng pagtutulungang Sino-Amerikano ay angkop sa komong interes ng dalawang bansa. Mainit na tatanggapin ng Amerika ang isang mas masagana at malakas na Tsina, sa halip na pigilin ito, dagdag pa nila.