WASHINGTON DC---Nag-usap kahapon sina Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Tsina at Susan Rice, Tagapayo ng Pangulong Amerikano sa Pambansang Seguridad. Nagpalitan sila ng opinyon hinggil sa relasyong Sino-Amerikano at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapwa nila pinahahalagahan.
Sa darating na Nobyembre, dadalaw sa Tsina at lalahok si Pangulong Barack Obama ng Amerika sa Di-pormal na Pulong ng mga ng Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na gaganapin sa Beijing. Kaugnay nito, ipinahayag ni Yang ang kahandaan ng panig Tsino na buong-higpit na makipagkoordina sa panig Amerikano para paghandaan ang gaganaping pagbisita ni Pangulong Obama. Umaasa aniya rin siyang mapapalalim ng dalawang bansa ang kanilang pagtutulungan sa iba't ibang larangan at kanilang pagkokoordinahan sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Inulit din ni Yang ang pangangailangan na lutasin ng dalawang bansa ang mga problema sa pamamaraang konstruktibo.
Ipinahayag naman ni Rice ang kahandaan ng panig Amerikano sa pakikipagtulungan sa Tsina sa iba't ibang larangan para mapahigpit ang relasyon ng dalawang bansa. Inaasahan din niya ang pagtutulungan ng dalawang bansa para magkasamang maharap ang mga hamong panrehiyon at pandaigdig. Ipinahayag din niya ang pananabik ni Pangulong Obama sa gagawing pagdalaw sa Tsina.
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa pakikibaka laban sa terorismo, pagpigil sa epidemya ng Ebola, isyung nuklear ng Korean Peninsula at iba pa.
Salin: Jade