BEIJING—Ipinangako kahapon ng Tsina na ibayo pang bubuksan ang pamilihan at pabubutihin ang kapaligirang pampuhunan para hikayatin ang mas maraming bahay-kalakal na mamuhunan sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng Pulong ng mga Ministrong Komersyal ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), sinabi ni Pangalawang Premyer Zhang Gaoli ng Tsina na bilang isang miyembro ng Asya-Pasipiko, hindi maihihiwalay ang pag-unlad ng Tsina at pag-unlad ng buong rehiyon. Ang ibayo pang pag-unlad ay magdudulot ng mas maraming kapakinabangan para sa rehiyong Asya-Pasipiko at buong mundo.
Kaugnay ng mga pangunahing paksa ng pulong, iminungkahi ng pangalawang premyer Tsino na kailangang pahigpitin ng mga miyembro ang kanilang diyalogo hinggil sa patakarang pang-macro-economy para maiwasan ang mga negatibong epekto na dulot ng pagsasaayos ng mga patakaran; kailangang magkakasamang pangalagaan ang katatagang pinansyal ng rehiyon; kailangang pasulungin ang pagtutulungan sa imprastruktura sa pamamagitan ng pagbubuhos ng mas maraming pamumuhunan sa larangang ito para mapahigpit ang ugnayang panlupa, pandagat at panghimpapawid ng rehiyon.
Bilang panapos, sinabi ni Zhang na ang kooperasyon at kaunlaran ay nagsisilbing tunguhin ng rehiyong Asya-Pasipiko. Umaasa aniya ang Tsina na ibayo pang makakapag-ambag para sa kasaganaan at sustenableng pag-unlad ng rehiyon at buong daigdig.
Salin: Jade