Sa Great Hall of the People, Beijing—Nakipagtagpo dito ngayong araw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa kanyang Vietnamese counterpart na si Truong Tan Sang.
Tinukoy ni Xi na sa kasalukuyan, malalimang pagbabago ang nagaganap sa kalagayang pandaigdig, at tumitindi nang tumitindi ang kompetisyong pandaigdig. Kapuwa isinasagawa ng Tsina at Biyetnam ang hakbanging pangreporma. Ang pagpapalalim ng kooperasyon ay angkop sa pundamental na kapakanan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan. Makakabuti rin ito sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyong ito.
Dagdag pa niya, dapat magkasamang magsikap ang kapuwa panig para mapatibay ang bilateral na relasyon, at mapaunlad ang komprehensibo't estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa. Aniya, dapat igiit ng kapuwa panig ang maayos na paglutas sa mga isyung pandagat sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, para mapangalagaan ang katatagang pandagat at pangkalahatang kalagayan ng relasyong Sino-Biyetnames.
Nagpahayag naman si Truong Tan Sang ng kahandaan ng panig Biyetnames na ipatupad ang mga komong palagay ng dalawang bansa, maayos na hawakan ang mga isyung pandagat sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian, at magkasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa dagat, para hindi ito makaapekto sa relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Vera