BEIJING—Hinimok kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang Estados Unidos na manatiling walang-pinapanigan sa isyu ng South China Sea.
Ipinahayag ni Hua ang nasabing paninindigan sa isang regular na preskon nang sagutin ang tanong na may kinalaman sa pananalita ni Daniel Russel, Asistanteng Kalihim ng Estado ng Amerika. Nang magkasamang humarap sa mga mamamahayag makaraang mag-usap sila ni Evan Garcia, Pangalawang Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, sinabi ni Russel hindi dapat manupil ang malalaking bansa sa maliliit na bansa, kaugnay ng isyu ng South China Sea.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na paulit-ulit na ipinahayag ng Tsina ang paninindigan nito sa South China Sea na dapat lutasin ang pagkakaibang panteritoryo ng mga may direktang kinalamang bansa, sa pamamagitan ng diyalogo at konsultasyon. Aniya pa, ang walang-kinikilingang ikatlong panig ay makakatulong sa pagtitiwalaan, pagtutulungan at kapayapaang panrehiyon.
Idinagdag pa niyang iginigiit ng Tsina ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga bansa, malaki o maliit man. Naninindigan din ang Tsina na hindi dapat manupil ang malalaking bansa sa maliliit na bansa samantalang hindi rin dapat pabarumbadong manggulo ang maliliit na bansa.
Salin: Jade