Sa Ika-25 Pulong ng mga Signatoryong Bansa ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na ipininid kahapon sa New York, Punong Himpilan ng UN, bilang tugon sa pagbanggit ng kinatawang Pilipino ng konstruksyon sa Nansha Islands at arbitration case sa isyu ng South China Sea, ipinahayag ni Wang Min, Pangalawang Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN at puno ng delegasyong Tsino sa pulong na ito, na hindi hindi magbibigayan ang Tsina sa isyu ng soberanya at teritoryo.
Sinabi ni Wang na ang konstruksyon ng Tsina sa mga isla ay isinagawa sa loob ng sariling teritoryo, at ito ay kabilang sa soberanya ng Tsina. Aniya, ang mga konstruksyong ito ay naglalayong pabutihin ang kondisyon ng trabaho at pamumuhay ng mga tauhang nakatalaga sa mga isla, mas mahusay na isabalikat ang mga pandaigdig na obligasyong gaya ng pagliligtas sa dagat at pagharap sa likas na kalamidad, at paglingkuran ang mga bapor ng iba't ibang bansa na naglalayag sa South China Sea. Dagdag pa niya, ang konstruksyon ng Tsina ay hindi makakasira sa ekolohiya at kapaligiran ng South China Sea, at hindi makakaapekto sa lehitimong kalayaan sa nabigasyon ng iba't ibang bansa sa karagatang ito.
Inulit din ni Wang ang hindi pagtanggap at hindi paglahok ng Tsina sa arbitration case sa isyu ng South China Sea. Aniya, ang pinakamabisang paraan para mapayapang malutas ang hidwaang pandagat ay pagkakaroon ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyung ito ng talastasan at pagsasanggunian batay sa paggalang sa katotohanang pangkasaysayan at pandaigdig na batas.
Salin: Liu Kai