Nang kapanayamin kahapon ng Cable News Network (CNN), inilahad ni Cui Tiankai, Embahador ng Tsina sa Amerika, ang paninindigan ng Tsina sa kasalukuyang kalagayan sa South China Sea. Aniya, ang isyu ng South China Sea ay hindi isyu sa pagitan ng Tsina at Amerika, at hindi rin dapat maging isyu ng dalawang bansa. Hindi dapat aniya tumungo ang Tsina at Amerika sa komprontasyon at sagupaan dahil sa isyu ng South China Sea.
Bilang tugon sa tanong hinggil sa umano'y pagbabago ng Tsina ng status quo sa South China Sea, sinabi ni Cui na ang status quo sa South China Sea ay binago una ng mga ibang bansa sa rehiyong ito, at wala silang karapatang batikusin ang Tsina. Dagdag ni Cui, ang mga itinatayong pasilidad ng Tsina ay, pangunahin na, para sa gamit na pansibilyan, at ang kaunting pasilidad na militar naman ay para sa pagtatanggol lamang. Kaya aniya, walang pangangailangan ang ibang bansa na magpadala ng mga reconnaissance plane sa South China Sea, at ang aksyong ito rin ay salungat sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Kaugnay naman ng tanong hinggil sa pagtatakda o hindi ng Tsina ng Air Defense Identification Zone (ADIZ), sinabi ni Cui na ang Amerika ay unang bansa sa daigdig na nagtakda ng ADIZ, at hanggang sa kasalukuyan, mahigit 20 bansa sa daigdig ang nagtakda ng kani-kanilang ADIZ. Kaya, ani Cui, may karapatan ang Tsina na itakda ang ADIZ sa South China Sea. Pero, sinabi rin niyang ang pagtatakda o hindi ng Tsina ng ADIZ sa South China Sea ay depende sa pagtasa nito sa kalagayan, at magiging maingat ang Tsina sa isyung ito.
Samantala, nanawagan din si Cui sa Amerika na isagawa ang mga aktuwal na aksyon para pahupain ang kalagayan sa South China Sea, at huwag gumawa ng mga probokatibong pananalita o aksyon sa isyung ito.
Salin: Liu Kai