Sa katatapos na Ika-7 Diyalogong Ekonomiko at Estratehiko ng Tsina at Amerika, narating ng dalawang panig ang mahigit 100 nagkakaisang posisyon sa larangang estratehiko at mahigit 70 nagkakaisang posisyon sa larangang ekonomiko.
Pawang ipinahayag ng kalahok na kinatawan ng Tsina at Amerika na sina Wang Yang, Pangalawang Premyer Tsino, Yang Jiechi, Kasangguni ng Estado ng Pamahalaang Tsino, John Kerry, Kalihim ng Estado ng Amerika, at Jacob Lew, Kalihim ng Tesorarya ng bansang ito, na tagumpay, mabunga at konstruktibo ang katatapos na diyalogo.
Sa isyu ng talastasan ng bilateral na pamumuhunan, inulit ng dalawang bansa na patuloy na pasusulungin ang talastasan para marating ang isang kasunduan na may mutuwal na kapakinabangan.
Sa isyung pandagat, inulit ng panig Tsino na kasabay ng pangangalaga sa soberanya, teritoryo at karapatang pandagat ng bansa, buong sikap at mapayapang lulutasin ang mga hidwaan sa mga bansang kasangkot sa pamamagitang ng direktang talastasan at diyalogo. Umaasa ang panig Tsino na gamitin ng Amerika ang obdyektibo at walang pinapanigang paninindigan sa isyu ng South China Sea para pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng rehiyong ito.
Sa isyu ng Cyber Security, ipinahayag ng pamahalaang Tsino na matatag na tinututulan ang anumang aksyon ng hacker sa internet. Nakahanda ang Tsina na isagawa ang kooperasyon sa Amerika sa pundasyon ng paggalang sa isa't isa, pagkakapantay-pantay at mutuwal na kapakinabangan.