Kaugnay ng pagtapos kahapon ng argument sa Arbitral Tribunal hinggil sa jurisdiction nito sa kaso ng South China Sea, inulit ngayong araw ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pagtutol ng kanyang bansa sa pagharap at pagpapasulong sa Pilipinas ng naturang arbitral proceedings. Hinimok din niya ang Pilipinas na agarang bumalik sa tamang landas ng paglutas sa mga hidwaan sa pamamagitan ng talastasan at pagsasanggunian.
Sinabi ni Hua na ang pagharap ng Pilipinas ng arbitration case hinggil sa isyu ng South China Sea ay paglapastangan sa mga lehitimong karapatan ng Tsina batay sa mga pandaigdig na batas na kinabibilangan ng United Nations Convention on the Law of the Sea, at pagtalikod din sa pangako nitong ginawa sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea. Aniya, may lubos na batayan sa pandaigdig na batas ang paninindigan ng Tsina sa hindi pagtanggap at hindi paglahok sa naturang arbitrasyon.
Dagdag pa ni Hua, sa mga isyu ng soberanya sa teritoryo at interes na pandagat, hinding hindi tinatanggap ng Tsina ang anumang sapilitang plano, at tinututulan din ang unilateral na pagharap ng isyu sa ikatlong panig para sa paglutas.
Salin: Liu Kai