Sa isang regular na preskong idinaos kahapon sa Beijing, ipinahayag ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina na hinihimok ng panig Tsino ang panig Pilipino na aktuwal na igalang ang teritoryo at soberanya ng Tsina, at gumawa ng mas maraming bagay na makakabuti sa relasyong Sino-Pilipino at kapayapaan at katatagan sa rehiyong ito.
Ipinahayag kamakalawa ni Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas na ang reklamo ng Tsina sa soberanya ng South China Sea (SCS) ay nagdudulot ng pagkatakot ng iba't-ibang bansa. Aniya, ang reclamation work ng panig Tsino sa SCS ay nagsasapanganib sa seguridad ng rutang pandaigdig at pangingisda.
Kaugnay nito, sinabi ni Hong na "Walang anumang batayan ang naturang pagbatikos ng panig Pilipino." Aniya, palagian at malinaw ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng SCS, at naninindigan ang panig Tsino na sa pundasyon ng paggalang sa katotohanang historikal at pandaigdigang batas, lutasin ng mga kinauukulang bansa ang pagkakaiba sa pamamagitan ng talastasan. Dagdag pa niya, patuloy na magsisikap ang panig Tsino kasama ng mga bansang ASEAN, para magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng SCS.
Salin: Li Feng