Sa Maynila—Idinaos dito kagabi ni Wang Xianyun, Defense Attaché ng Tsina sa Pilipinas, ang preskon bilang pagdiriwang sa ika-88 anibersaryo ng pagkakatatag ng People's Liberation Army (PLA).
Sa kanyang toast, tinukoy ni Wang na nagkokonsentra ang Tsina sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, at mapayapang paglutas sa mga alitan sa teritoryo, soberanya, at karapata't kapakanang pandagat. Dahil mas maraming pagsisikap ang kinakailangan para mapayapang hawakan ang mga kinauukulang alitan sa ilang kapitbansa, dapat nating tanggapin na mapayapa at matatag sa kabuuan ang kasalukuyang kalagayan ng South China Sea, at walang alinmang problema sa kalayaan ng paglalayag sa karagatang ito.
Sa kanya namang toast, sinabi ni Fernando Manalo, Pangalawang Kalihim ng Depensa ng Pilipinas, na ang isyu ng South China Sea ay hindi kumakatawan sa lahat ng relasyong Sino-Pilipino. Kahit may problema sa karagatang ito, patuloy na napanatili pa rin ang pagpapalagayan at pag-uugnayan sa pagitan ng mga tropa ng dalawang bansa. Aniya, ang alitan sa isyu ng South China Sea ay hindi dapat humadlang sa pagpapalitan ng dalawang hukbo.
Salin: Vera