Ipinahayag kagabi sa Beijing ni Nguyen Van Tho, Embahador ng Biyetnam sa Tsina, ang pananalig na may sapat na katalinuhan at kakayahan ang Biyetnam at Tsina sa pagpapaunlad ng South China Sea sa isang mapayapa, kooperatibo, at maunlad na dagat. Winika niya ito sa preskon bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng bansa ng Biyetnam na idinaos nang araw ring iyon.
Ipinahayag din ni Nguyen Van Tho na pagkaraan ng magkasamang pagsisikap ng dalawang panig, sa mga naiwang malaking isyung historikal, maayos na nalutas ng dalawang bansa ang dalawang isyung gaya ng paghahati ng hanggahang panlupa at paghahati ng hanggahan sa Beibu Gulf. Para sa tanging naiwang isyu sa kasalukuyan, dapat aniyang tupdin ng dalawang panig ang narating na komong palagay at kasunduan ng mga mataas na opisyal ng dalawang bansa, at hindi dapat isagawa ang anumang aksyong magpapasalimuot sa situwasyon. Sa pundasyon ng pantay na pakikitunguhan, paggagalangan sa kapakanan ng isa't-isa, at angkop sa pandaigdigang batas, dapat maayos na hawakan ang alitan ng dalawang panig sa mapayapang paraan, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng