Sa kanyang biyahe kamakailan sa Biyetnam, magkakahiwalay na nakipagtagpo si Xu Bu, Embahador ng Tsina sa ASEAN, kina Le Hoai Trung, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Biyetnam, at Nguyen Hong Cuong, Puno ng Departamento ng ASEAN ng Ministring Panlabas ng Biyetnam. Malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang panig tungkol sa, pangunahin na, relasyong Sino-ASEAN, at serye ng pulong ng mga lider hinggil sa kooperasyon ng Silangang Asya.
Ipinahayag ni Xu na sa susunod na buwan, gaganapin sa Malaysia ang serye ng pulong ng mga lider hinggil sa kooperasyon ng Silangang Asya. Inaasahan aniya ng panig Tsino ang mahigpit na pakikipagkooperasyon sa iba't-ibang bansang ASEAN na kinabibilangan ng Biyetnam para makapagbigay ng positibong bunga sa pagsisikap ng nasabing pulong. Aniya pa, ang Biyetnam ay mahalagang miyembro ng ASEAN, umaasa ang Tsina na patuloy na mapapatingkad ng Biyetnam ang impluwensiya sa ASEAN para mapasulong pa ang estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN.
Ipinahayag naman nina Le Hoai Trung at Nguyen Hong Cuong na lubos na pinahahalagahan ng Biyetnam ang ibinibigay na papel ng Tsina sa mga aspektong gaya ng pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon, at pagpapasulong ng kabuhayan. Anila, nakahanda ang Biyetnam na magsikap kasama ng Tsina para mapasulong ang estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN.
Salin: Li Feng