PINANGUNAHAN ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang panawagan sa pamahalaan upang masugpo ang pagtatanim ng bala sa mga naglalakbay palabas ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bp. Ruperto Santos, Chairman ng ECMI na nanawagan na sila sa iba't ibang tanggapan upang mapigilan na ang pangbibiktima sa mga paalis na mga manggagawa. May mga inilabas na silang mga mungkahi upang mapigil ang mga pangingikil at ikinalulungkot nilang hanggang ngayo'y 'di nakikilala ang mga nasa likod nito.
Napapanahon na umanong siyasatin ng Malacanang ang nagaganap sa paliparan. Para sa tanggapan ng ECMI, ang tanim-bala ay isang scam na nagmumula sa internal airport syndicate ng security at ibang personnel. Nakalulungkot na ang mga biktima ay mga Overseas Filipino Workers upang kumita ng salapi sa ibang bansa. Ang mga banyagang turista na nararapat makadama ng kakaibang pagtrato ng mga Filipino ay napapahamak pa dahilan sa laglag-bala.
Ms makabubuting samsamin na lamang ang mga ipinagbabawal na kargamento tulad ng nail clippers at mga lanseta sa halip na kasuhan pa ang mga pinaniniwalaang may dalang mga bala.
Samantala, sinabi naman ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na sinumang kakasuhan ng laglag bala ay makatatawag sa 929 9436 at 029299436. Ang pagtatanim o paglalagay ng ebidensya ay maaaring kasuhan ng incriminatory machinations sa ilalim ng Article 363 ng Revised Penal Code na mauuwi sa arresto mayor at Section 38 ng Comprehensive Firearms Act R. A. No. 10591 hinggil sa paglalagay ng mga bala na mapaparusahan ng reclusion perpetua o pagkakabilanggo ng 30 taon.