|
||||||||
|
||
PANGAKO pa rin ang pagtulong sa mga biktima ni "Yolanda" kung gagawing pamantayan ang nagawa ng pamahalaan.
Sinabi ni Prof. Leonor magtolis Briones, punong-abala sa Social Watch Philippines na dalawang taon na ang nakalipas at sa laki at lawak ng problema, kailangang kumilos ng madalian ang pamahalaan. Kung hindi kikilos ang administrasyon, magkakaroon ng masamang ala-ala ang mga biktima sa Aquino Administration.
Inilabas ng Social Watch Philippines ang kinalabasan ng kanilang pananaliksik sa pagbabantay sa salaping inilabas, pagpapatupad ng mga programa at proyektong may kinalaman sa Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan.
Ayon sapagsusuri, bilang chairman ng Committee on Urban Development, Housing and Resettlement, ipinatawag na ni Senador JV Ejercito ang National Housing Authority sa Senado hinggil sa reconstruction efforts lalo na ang paglalaan ng tahanan sa mga naging biktima ni "Yolanda."
Nalungkot umano ang mambabatas sa bagal ng pagkilos ng pamahalaan. Naitala ng National Housing Authority ang 205,128 pamilyang nasa "High Risk Zones."
Nakapagtayo ang NHA ng may 16,544 na housing units mula ng tumama si "Yolanda" na napakababa sa kanilang inilaang target. Kung hindi bibilisan ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga tahanan sa 9,000 hanggang 10,000 units sa bawat taon, matatapos ang pagtatayo ng 205,128 tahanan sa susunod na 18 taon.
Idinagdag pa ni Prof. Briones na hindi makabawi ang mga biktima sapagkat walang hanapbuhay at pinagkakakitaan sa resettlement sites. Ikinalungkot ng Social Watch Philippines na 25% lamang ng investment requirements ang nailalabas. Walang nabalita mula sa DBM kung may dagdag na pondo para sa Department of Agriculture at Philippine Coconut Authority mula noong Oktubre 2014.
Ayon sa SWP, may P1.045 bilyon ang nailabas sa Department of Agriculture para sa livelihood projects noong 2014. Humiling ang ahensya ng P 1.217 bilyon para sa infrastructure-related projects sa mga tinamaan ni "Yolanda." Noong nakalipas na Mayo lamang nakapagsumite ng mga dokumento sa pondong nailabas. Wala pang pondo subalit nagsimula na ang bidding process sa pamamagitan ng DA noong nakalipas na Agosto ng taong ito.
Halos 50% ng mga mga programa para sa livelihood sa Department of Agriculture ay pawang mga panukala mula sa local government units. Hindi pinayagan ng Commission on Audit ang paglalabas ng pondo sa local government units na hindi pa nakapagbibigay ng liquidation sa mga salaping nailabas na. Naging maingat na ang Department of Agriculture sa paglalabas ng pondo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |