Nag-usap ngayong araw sa Hanoi, Biyetnam, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at ang kanyang counterpart na Biyetnames na si Truong Tan Sang.
Ipinahayag ni Xi na matagumpay ang kanyang biyahe sa Biyetnam, at naisakatuparan ang target na patatagin ang tradisyonal na pagkakaibigan, palakasin ang estratehikong pag-uugnayan, at pasulungin ang pragmatikong pagtutulungan.
Sinabi rin ni Xi na nakahanda ang Tsina, kasama ng Biyetnam, na i-ugnay ang mga estratehiyang pangkaunlaran ng dalawang bansa, para pasulungin ang kanilang kooperasyon sa pamumuhunan, kabuhayan, at kalakalan. Dagdag pa ni Xi, dapat buong husay na kontrolin ng dalawang bansa ang mga pagkakaiba, sa pamamagitan ng pagsasanggunian, para pangalagaan ang katatagan at pasulungin ang kooperasyon sa dagat.
Ipinahayag naman ni Truong na lubos siyang sumasang-ayon sa pagpapalakas ng Biyetnam at Tsina ng pagtitiwalaang pulitikal, pagpapasulong ng kooperasyon sa pamumuhunan, kabuhayan, at kalakalan, at maayos na paglutas sa mga pagkakaiba. Aniya, hindi dapat apektuhan ng mga pagkakaiba ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai