KINONDENA ng iba't ibang grupong kasama sa Bagong Alyansang Makabayan ang napipintong pagbuwag sa pansalamntalang pagkakampo ng mga Lumad na mula sa Mindanao sa Liwasang Bonifacio.
Sa isang press briefing, ikinalungkot ng mga Lumad ang desisyon ng pamahalaang lungsod na bawiin na ang pahintulot sa kanilang pagkakampo hanggang sa ika-24 ng Nobyembre.
Ayon sa lider ng mga Lumad, nakalulungkot na iminungkahi ng pulisya ng Maynila kay Mayor Joseph Estrada na makasasama sa normal na paggalaw at pagkilos ng mga mamamayan sa kanilang pagkakampo. Sa isang liham na ipinadala ni Police C/Supt. Rolando Z. Nana, district director ng Manila Police District, sinabi nilang dahilan din ito ng 'di malinis na kapaligiran.
Makasasama rin umano sa tourism industry ang pananatili ng mga Lumad sa Liwasang Bonifacio at ang posibilidad na mapasok ng mga mapapanganib na tao na mamanipula at magamit ng iba't ibang grupo sa pagdaraos ng APEC sa Kamaynilaan.
May balitang pinakikusapan ang mga Lumad na tanggapin ang iniaalok na pook sa pagkakampo samantalang na sa Maynila sa Moriones, Tondo, Maynila na malayo-layo sa pagdarausan ng APEC summit.