Sa kanyang pagdalo sa G20 Summit, nakipagtagpo kahapon sa Antalya, Turkey si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya.
Binigyan-diin ni Xi na mahigpit ang kooperasyon ng Tsina at Rusya sa loob ng balangkas ng G20. Aniya, itataguyod ng Tsina ang Summit ng mga Lider ng G20 sa taong 2016. Umaasa aniya ang Tsina na mapapasulong ng iba't-ibang panig ang magkakasamang pagtatatag ng malikhain, masigla, at inklusibong kabuhayang pandaigdig. Inaasahan din aniya ng Tsina, na sa pamamagitan ng summit na ito, lalakas pa ang pakikipag-ugnayan at pakikitulungan sa Rusya, para mapasulong ang papel ng G20 sa pagpapalaki ng kabuhayang pandaigdig at pagpapabuti ng pamamahala sa kabuhayang pandaigdig.
Ipinahayag naman ni Vladimir Putin na kinakatigan ng kanyang bansa ang pag-uugnayan ng Eurasian Economic Union at Silk Road Economic Belt. Aniya, kapwa nakahanda ang Rusya at Tsina na magsikap para mapangalagaan ang mga simulain ng Pandaigdig na Batas. Aniya pa, nagkakatulad ang palagay ng Rusya at Tsina hinggil sa maraming malalaking isyung pandaigdig.
Salin: Andrea