Inilunsad kagabi, Lunes, Disyembre 21, 2015 ng hindi pa nakikilalang mga armadong tauhan ang 3 rocket sa sentro ng Kabul, kabisera ng Afghanistan.
Matatagpuan sa lugar na ito ang palasyong pampanguluhan, ilang departamento ng pamahalaan ng Afghanistan, at embahada ng ilang bansa. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na ulat ng kasuwalti na inilabas ang panig opisyal ng Afghanistan.
Nauna rito, naganap nang araw ring iyon ang suicide car bombing malapit sa Bagram Air Base ng Afghanistan. Ikinamatay ito ng 6 na sundalong dayuhan, at ikinasugat ng 3 iba pa. Inangkin ng Taliban sa Afghanistan ang responsibilidad sa pag-atakeng ito.
Sa kabilang dako, pinagtibay kahapon ng United Nations Security Council ang resolusyon hinggil sa pagpapataw ng sangsyon laban sa Taliban at iba pang indibiduwal at organisasyon na nagbabanta sa kapayapaan at katiwasayan ng Afghanistan. Anang resolusyon, ito ay naglalayong, pangunahin na, putulin ang mga pondong pumupunta sa naturang mga indibiduwal at organisasyon.
Salin: Liu Kai