Ipinahayag ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa katotohanan, masigla pa ring magbuhos ng puhunan sa pamilihang Tsino ang mga kompanyang dayuhan. Tulad ng lagi, mainit aniyang tinatanggap ng Tsina ang pamumuhunang dayuhan para maisakatuparan ang komong kaunlaran.
Winika ito ni Lu sa regular na preskon nitong Martes, Mayo 21, bilang tugon sa pananalita kamakailan ni Pangulong Donald Trump ng Amerika. Ani Trump, ang mga taripang ipinapataw ng Amerika sa mga panindang Tsino ay nagbubunsod ng pag-alis ng mga kompanya ng produksyon mula sa Tsina patungong Vietnam at ibang mga bansang Asyano.
Dagdag pa ni Lu, sa kabila ng paulit-ulit na pagbabanta ng administrasyong Trump sa pagpapataw ng karagdagang taripa, maraming kompanyang transnasyonal na gaya ng ExxonMobil, Tesla, BASF at BMW ang nagpalawak ng pamumuhunan sa Tsina.Ayon pa kay Lu, ayon sa Survey on the International Operations of Japanese Firms na inilabas kamakailan ng JETRO, ang Tsina ay nananatili pa ring piling destinasyon ng mga kompanyang Hapones at nasa unang puwesto ang pamilihang Tsino pagdating sa kanilang pagluluwas, pamumuhunan at cross-border e-commerce.
Salin: Jade
Pulido: Rhio