Ayon sa pinakahuling datos na inilabas nitong Huwebes, Hunyo 13, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, mula Enero hanggang Mayo ng taong ito, umabot sa 16,460 ang bilang ng mga bagong kompanya na may puhunang dayuhan. Kasabay nito, umabot sa 369.06 bilyong yuan RMB ang aktuwal na ginamit na puhunang dayuhan nitong unang limang buwan ng 2019, at mas mataas ito ng 6.8% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2018.
Kabilang dito, tumaas ng 23.2% ang aktuwal na nagamit na pondong dayuhan sa industriya ng paggawa ng hay-tek, samantalang sumikad pataas ng 68.9% ang aktuwal na ginamit na dayuhang puhunan sa serbisyo ng hay-tek.
Kaugnay nito, sinabi ni Gao Feng, Tagapagsalita ng nasabing ministring Tsino, na ipinakikita ng mga datos na nananatili pa ring kaakit-akit ang pamilihang Tsino sa mga mamumuhunang dayuhan, bunsod ng mas kompletong imprastruktura at mas mainam na kapaligirang pangnegosyo. Inulit din ni Gao ang pangako ng Tsina na ibayo pang magbukas sa labas, pabutihin ang kapaligirang komersyal, matiyak ang lehitimong interes ng mga kompanya, at pangalagaan ang kaayusan ng pamilihan.
Salin: Jade
Pulido: Mac