Binuksan Miyerkules, Hulyo 17, 2019 sa Houston, Amerika ang Ika-4 na US-China Sister Cities Conference. Kaugnay nito, ipinahayag Huwebes ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na nananalig siyang pasisiglahin ng nasabing pulong ang bagong lakas-panulak para sa pagpapalalim ng pagkakaibigan ng Tsina at Amerika, at pagpapalakas ng kooperasyon ng dalawang bansa.
Ang tema ng nasabing pulong ay "pagtanaw sa susunod na 4 na dekada: mas malakas na pagkakaibigan, at mas mahigpit na kooperasyon." Tinalakay ng mahigit 200 kinatawang Tsino't Amerikano ang hinggil sa kung paano mapapalakas ang kooperasyon ng mga sister cities ng Tsina at Amerika.
Isinalaysay pa ni Lu na hanggang sa kasalukuyan, may mahigit 227 pares ng sister cities sa pagitan ng Tsina at Amerika. Ang pagpapalakas ng pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa ay pundasyon ng paggarantiya sa pangmatagalang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano, dagdag niya.
Salin: Vera