|
||||||||
|
||
Nilagdaan kamakailan ng mahigit isang daang umano'y American war hawks sa Tsina ang isang bukas na liham kung saan kinokondena nila ang Tsina sa pagbalewala sa mga prinsipyo at regulasyon ng kaayusang pandaigdig at ini-promote ang pakikibaka laban sa Tsina. Ang nasabing mga pananalita ng mga Amerikano ay hindi lamang nagbabaligtad sa tama't mali, kundi lipos ito ng kayabangan, kamang-mangan, at pagkiling.
Naunang napatunayan na ng katotohanan na ang istilong Amerikanong hegemony ay may katangiang unilateralismo, proteksyonismo, at sukdulang lipos ng yabang. Ito ang siyang totoong naninira sa kaayusang pandaigdig.
Ang kasalukuyang kaayusang pandaigdig ay naitatag pagkatapos ng World War II. Sa kabuuan, ginagampanan nito ang positibong papel, partikular na ang collective security system, kung saan ang nukleo ay United Nations (UN). Ito ang mabisang nangangalaga sa kapayapaan at kaunlarang pandaigdig. Ngunit, sa isip ng Amerika, ang Amerika mismo ang dapat gawing nukleo ng kaayusang pandaigdig, at dapat ding pangalagaan ang unilateral hegemonya nito. Sakaling hindi maaaring makamit ang sariling hangad sa pamamagitan ng UN system, inilulunsad ng Amerika ang "suicide attack" sa kaayusang pandaigdig sa ilalim ng kanyang pamumuno para pangalagaan ang istilong Amerikanong hegemonya sa pamamagitan ng pagsira sa kasalukuyang kaayusan. Makaraang umakyat sa poder ang kasalukuyang pamahalaang Amerikano, lampas na sa maaring abutin ng imahinasyon ang pagsira nito sa kaayusang pandaigdig.
Sa isang dako, ginamit ng Amerika ang taripa para ilunsad ang trade friction sa maraming ekonomiya na gaya ng Tsina, Mexico, Kanada, Unyong Europeo (EU), at India; at lantaran nitong nilalabag ang obligasyong pandaigdig sa World Trade Organization (WTO).
Sa kabilang dako, magkakasunod na tinalikuran ng Amerika ang maraming organisasyon at kasunduang pandaigdig na gaya ng UN Human Rights Council (UNHRC), UN Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), Paris Climate Change Agreement, at Kasunduang Nuklear ng Iran. Bukod dito, sinisira ng Amerika ang operasyon ng International Atomic Energy Agency (IAEA), hinahadlangan ang proseso ng reporma sa WTO, at tinatangka rin nitong alisin ang sarili mula sa anumang international jurisdiction.
Habang lantarang sinisira ng ilang politikong Amerikano ang kaayusang pandaigdig at tinatanggihan ang pagtupad sa obligasyong pandaigdig, mapagmayabang nilang binabatikos ang Tsina sa pagbalewala sa kaayusang pandaigdig. Pangunahing sanhi nito'y ang porma ng Tsina sa pangangalaga sa kaayusang pandaigdig ay hindi naaayon sa porma ng hegemonya na ninanais ng Amerika. Kaya ikinagagalit ito ng nasabing mga politikong Amerikano at pinalalakas ang kanilang paninirang-puri sa Tsina. Ibinubunyag nito ang pagtaglay ng ilang politikong Amerikano ng napakalakas na hegemonic thinking, at ipinakikita rin ang kanilang takot sa harap ng pag-ahon ng multilateralismo.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |