Inilabas kamakailan ng pamahalaang Tsino ang white paper hinggil sa bokasyonal na edukasyon at pagsasanay sa Xinjiang, kung saan inilakip ang mga detalye hinggil sa background ng pagtatatag ng sentro ng bokasyonal na edukasyon at pagsasanay, nilalaman ng mga aralin, kabisaan ng gawaing ito, at iba pa.
Ayon sa white paper, ang mga sentro ng bokasyonal na edukasyon at pagsasanay ay itinatag sa harap ng mahigpit na kalagayan ng terorismo at ekstrimismo sa Xinjiang. Layon nitong tumulong sa mga tao na makahulagpos sa epekto ng mga teroristiko at ekstrimistikong ideya, at magkaroon ng kasanayan sa pagtatrabaho. Ito ay angkop sa kagawian at prinsipyo ng paglutas sa terorismo at ekstrimismo na kinikilala ng komunidad ng daigdig. Dahil sa mga sentrong ito, hindi naganap ang teroristikong insidente sa Xinjiang nitong halos 3 taong nakalipas.
Ang mga sentro ng bokasyonal na edukasyon at pagsasanay sa Xinjiang ay hindi "bilangguan" na tinatawag ng ilang bansang kanluranin. Ang mga ito ay boarding school, kung saan lubos na iginagalang at pinangangalagaan ang kalayaan at mga lehitimong karapatan ng mga estudyante. Puwede silang bumalik sa bahay batay sa regular na iskedyul o sa pansamantalang okasyon kung may pahintulot. Ginagawa ang mga aralin sa pamamagitan ng wikang mandarin, pero puwedeng gamitin ng mga estudyante ng iba't ibang etnikong grupo ang sariling wika, at iginagalang ang kani-kanilang kaugalian. Hindi puwedeng isagawa ang mga aktibidad na panrelihiyon sa loob ng mga sentro, pero pagkaraang bumalik sa bahay, puwedeng lumahok ang mga estudyante sa anumang lehitimong aktibidad na panrelihiyon.
Ang terorismo at ekstrimismo ay malaking problemang nagbabanta sa maraming bansa sa daigdig, na kinabibilangan ng mga bansang kanlurain. Pagdating sa isyung ito, hindi dapat isagawa ang double standard. Dapat ding itigil ng ilang bansang kanluranin ang paggamit ng pangangatwiran ng karapatang pantao, para bumatikos o makialam sa mga gawain ng Tsina laban sa terorismo at ekstrimismo. Ito ay makakabuti sa pagsasakatuparan ng kasaganaan at katatagan sa Xinjiang.
Salin: Liu Kai