Inilabas kahapon, Miyerkules, Enero 1, 2020, ng U.S. Commerce News ang artikulo kaugnay ng mensaheng pambagong taon ni Shen Haixiong, Presidente ng China Media Group (CMG). Anang artikulo, pinuna ni Shen ang ilang media ng kanluran na nagbabalita tungkol sa Tsina batay sa may-pagkiling na pananaw, at naglalabas ng mga huwad na balitang parang maguniguning nobela.
Sinabi ng artikulo, na ang tinutukoy ni Shen ay mga media ng kanluran na gumawa ng mga di-totoong balita tungkol sa kalagayan sa Hong Kong, insidente ng kasawian ng mga mandarayuhan sa trak sa Britanya, mga hakbangin ng pamahalaang Tsino sa Rehiyong Awtonomo ng Uygur ng Xinjiang, at iba pa. Maraming beses nang binatikos ng mga opisyal na ahensiya at media ng Tsina ang nasabing mga media ng kanluran, at sinabi ng panig Tsino, na ikinakalat nila ang mga tsismis dahil sa masamang motibo, dagdag ng artikulo.
Ayon pa sa artikulo, bilang flagship media ng Tsina, nagsisikap ang CMG para ikalat ang tinig nito sa iba't ibang sulok ng daigdig. Ipinalalagay ng artikulo, na posible nitong masira ang monopolyo ng mga bansang kanluranin sa karapatang magsalita sa daigdig, at mabuti ito para sa mga umuunlad na bansang kulang sa karapatang ito.
Salin: Liu Kai