May 57 evacuation centers ang bukas pa
BUKAS pa ang 55 evacuation centers sa Gitnang Luzon at may tig-isang evacuation centers ang bukas pa sa Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley na tinitirhang pangsamantala ng may 2,641 pamilya sanhi ng bagyong Labuyo.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, patuloy ang pamamahagi ng mga pagkain sa mga naging biktima kahit pa pansamantalang naninirahan sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan.
Hanggang kanina ay humigit na sa P 3 milyong halaga ng relief assistance ng DSWD, mga pamahalaang lokal at mga non-government organizations ang naibigay sa mga biktima. Bangka ang pinagsakyan ng mga relief goods sa Aurora Province.
Inaayos pa ang mga relief goods sa mga tanggapang pang-rehiyon sa Region II na tinutulungan naman ng mga volunteer at mga mag-aaral sa Tuguegarao City.
Umabot na 5,866 na tahanan ang napinsala at 737 ang hindi na pakikinabangan pa. Matatagpuan ang mga ito sa Cagayan Valley at Central Luzon regions. Nag-utos na si Kalihim Corazon Juliano Soliman na magbigay ng 5,000 family food packs sa Region III.
1 2 3 4 5