|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Alert Level 3, nakataas na sa Yemen
ITINAAS ni Kalihim Albert F. Del Rosario kahapon ang Crisis Alert Level 3 sa Yemen matapos magkaroon ng mga kaguluhan at paghihimagsaik sa ibang bansang kinalalagyan ng mga manggagawang Pilipino. Ang mga Pilipinong gusto nang umuwi ay mapapasailalim ng repatriation na gagastusan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Alert Level 3, hindi na muna magpapadala ng mga manggagawa sa magulong bansa ang Department of Labor and Employment. Papayuhan na rin ang mga Pilipinong huwag na munang ituloy ang kanilang paglalakbay patungo sa Yemen.
Lahat ng mga Pilipinong naglilingkod sa Yemeni Defense Ministry ay nabilang na. Mula sa 40 manggagawa, pito ang nasawi, dalawa ang nagbabakasyon sa Pilipinas, samantalang 29, kabilang na ang siyam na nasugatan, ay nasa isang guardiyadong residential complex sa Sana'a.
Dalawang iba pa ang nagpapagaling sa isang military hospital. May malay na sila at parehong nagpapagaling na. Ang lalaking pasyente ay nagtamo ng mga sugat mula sa shrapnel at iba pang tumama sa kanyang mukha, braso at ulo. Ang maybahay niya ang nag-aalaga sa kanya sa pagamutan.
Ang babaeng pasyente ay tinamaan ng bala sa binti at ang kanyang balikat ay nadurog. Ang kanyang kapait na nasa Jedda ay nagbabalak dumalaw sa kanya. Minamadali ng Yemeni Defense Ministry ang pagpapalabas ng visa.
Nasabihan na ang mga kamag-anak ng mga nasawi tungkol sa kinahinatnan ng kanilang mga mahal sa buhay. Pinayuhan na silang magtungo sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas upang magsumite ng letter of acceptance ng mga labi upang madali ang pagpapadala sa Pilipinas. Sagot ng hospital management ang lahat ng gastos.
Ipinadala rin ni Kalihim del Rosario si Undersecretary Jesus Yabes sa Yemen upang pangasiwaan ang pagpapadala ng mga labi ng mga biktima at tulungan ang mga nakaligtas. Makakasama ni G. Yabes si Ambassador Ezzedin Tago at Vice Consul Redentor Genotiva. Bibigyan ang mga biktima ng dalawang buwang mga benepisyo.
Tutulungan ang mga biktimang makauwi ng Pilipinas sa pamamagitan ng Embahada at ng Overseas Workers Welfare Administration.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |