Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Malaking salapi, kailangan para sa mga paaralan

(GMT+08:00) 2013-12-12 18:35:19       CRI

Malaking salapi, kailangan para sa mga paaralan

MANGANGAILANGAN NG TULONG ANG SEKTOR NG EDUKASYON.  Sinabi ni Kalihim Bro. Armin Luistro, FSC, ng Kagawaran ng Edukasyon na inatasan sila ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na magtayo ng mga makabagong gusali na tatagal sa pagyanig ng Intensity 9 na lindol at hanging aabot sa 300 kilometro bawat oras. Mula sa halagang P 890,000 bawat silid-aralan, aabot na ito ng P 1.1 milyong piso.  May 5,900 na silid aralan ang kailangang itayo samantalang 600 naman ang nararapat ilipat ng lokasyon upang maiwasan ang peligrong mula sa bagyo at iba pang kalamidad.  (Melo Acuna)

MANGANGAILANGAN ang Kagarawan ng Edukasyon ng malaking salapi upang mailipat ang may 600 silid-aralan mula sa mga "no-build zones" sa napinsalang bahagi ng Pilipinas dulot ng bagyong "Yolanda."

Ito ang sinabi ni Kalihim Bro. Armin Luistro ng Kagawaran ng Edukasyon sa isang panayam kagabi sa kanyang tanggapan sa Lungsod ng Pasig.

Sinabi ni Kalihim Luistro na si "Yolanda" ang pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay 'di nila napakilos ang pitong division offices at ang kanilang regional office sa Lungsod ng Tacloban. Hindi nakakilos ang mga tauhan at opisyal ng kagawaran sa unang linggo matapos humagupit ang may 300 kilometro bawat oras na hanging mula sa silangang bahagi ng bansa noong nakalipas na buwan.

Umabot sa 5,900 silid-aralan ang hindi na mapakikinabangan samantalang may 15,400 silid-aralan ang kailangang isaayos.

Ani Kalihim Luistro bagong disenyo na ang mga bagong paaralang itatayo ayon sa kautusan ni Pangulong Aquino sa natapos na pagpupulong ng gabinete noong nakalipas na Martes.

"Kailangang mas matibay at maayos ang mga paaralang itatayo," dagdag ni Kalihim Luistro ayon na rin sa kautusan ni Pangulong Aquino.

Umaabot sa P 890,000 ang halaga ng bawat silid-aralang itinayo noong nakalipas na taon at sa kautusan ni Pangulong Aquino, kailangang manatiling nakatayo ang mga gusali kahit pa yanigin ng Intensity 9 na lindol at hampasin ng hanging may 300 kilometro bawat oras.

Ipinaliwanag ni Kalihim Luistro na balak nilang magtayo ng mga gusaling makakaya ang hanging hanggang 250 kilometro bawat oras subalit dumating si "Yolanda" noong Nobyembre kaya't nabago ang kanilang palatuntunan. Magkakahalaga ng higit sa P 1.1 milyon ang bawat silid-aralan na itatayo ng pamahalaan.

Bagama't may salapi ang pamahalaan mula sa P 33 bilyong hindi nagamit na salapi sa taong 2013, mangangailangan ang Kagawaran ng Edukasyon ng dagdag na salapi para sa supplemental feeding para sa mga mag-aaral na nabiktima ni "Yolanda." Nanawagan na ang Kagawaran ng Edukasyon sa mga nais tumulong na i-angkop ang kanilang ia-ambag sa pagpapakain sa panglasa ng mga kabataan. Baka umano magsawa ang mga bata sa mga pagkaing tulad ng trigo, atbp.

Nagbukas na muli ang mga paaralan sa Central Philippines kahit na sa ilalim lamang ng mga tarpaulin. Ito umano ang pinaka-epektibong paraan upang mabatid ang tunay na kalagayan ng mga komunidad sapagkat sa unang araw ay mahihiling sa mga mag-aaral na puntahan ang kanilang mga kapitbahay na mag-aaral at alamin ang kanilang tunay na kalagayan at alamin ang kanilang mga pangangailangan.

Sa unang araw na pagbubukas muli ng klase, may 30% ng mga mag-aaral ang pumasok. Kahit walang pormal na klase sa mga paaralan, isang paraan ito upang ilayo ang bata sa lagim na sinapit sapagkat mayroong mga paraan ang mga guro na magsagawa ng stress debriefing sa pamamagitan ng play therapy at pagguhit ng mga larawang naglalahad ng kanilang mga karanasan. Kung hindi umano bubuksan ang mga paaralan, maaaring mapasapanganib pa angmga kabataan sa sexual abuse at child trafficking.

Sa tanong kung lubhang naapektuhan ang school calendar, ipinaliwanag ni Kalihim Luistro na mayroong 200 araw ng pasok sa buong academic year at mayroong palugit na 20 araw na kinikilalang buffer. Ipagpalagay na mayroong 15 na bakasyon dahilan sa bagyong "Yolanda," may pagkakataon ang mga paaralan na magsagawa ng klase sa bawat araw ng Sabado hanggang sa mapunuan ang kakulangang 15 araw o magdagdag ng tig-iisang oras at kalahati sa bawat araw ng klase. Hindi na kailangang makarating pa sa buwan ng Abril o Mayo ang klase para sa school year 2013-2014, dagdag pa ni Kalihim Luistro.

Sa datos ng Kagawaran ng Edukasyon, 22 sa kanilang mga guro at kawani ang nasawi sa bagyong "Yolanda."

1 2 3 4 5 6
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>