|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pamahalaan, mahalaga ang papel sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain

KAILANGANG KUMILOS UPANG MAIBSAN ANG PINSALANG DULOT NG CLIMATE CHANGE. Ito ang mensahe ni Kalihim Arsenio M. Balisacan (gitna) sa kanyang pagharap sa mga dalubhasa sa larangan ng pagsasaka. Pinaguusapan nila ang mga paraan upang matamo ang self-sufficiency sa butil sa likod ng pagbabago sa klima. (Melo Acuna/File Photo)
SA sinimulang pagpupulong sa pagtugon sa epekto ng pagbabago sa klima sa sektor ng pagsasaka sa Pilipinas, sinabi ni Kalihim Arsenio M. Balisacan, Director-General ng National Economic and Development Authority, na maliwanag sa 2011-2016 Philippine Development Plan ang papel ng pamahalaan makamtan ang food security at self-sufficiency sa mga na nangungunang butil sa bansa. Niliwanag niyang layunin ng pamahalaang magkaroon ng 100% rice self-sufficiency ngayong 2014 hanggang sa mga susunod na panahon.
Ang pagbabago sa klima ang naka-ambag sa pagkapinsala ng kapaligiran at likas na yaman at naging dahilan upang hindi matamo ang self-sufficiency. Ang sektor ng Pagsasaka, ani Kalihim Balisacan ang pinaka-gulugod upang makamtan ang seguridad sa pagkain.
Idinagdag pa ni Kalihim Balisacan malaki ang inia-ambag ng sektor ng Pagsasaka sa ekonomia at nagkataon lamang na madaling mapinsala sa oras na magkaroon ng masamang panahon.
Sa mga naunang datos noong 2013, 74 % ng pinsalang dulot ni "Yolanda" ay tumama sa sektor ng pagsasaka. Noong tumama si "Yolanda," 600,000 ektarya ng mga sakahan na mayroong tinatayang 1.1 milyong metriko tonelada ng mga panananim ang nawala. Nagpapatuloy ito at mamamasdan hanggang sa unang tatlong buwan ng 2014.
Ipinaliwanag pa ni Kalihim Balisacan na bagama't hindi mapipigilan ang mga bagyo'y daluyong na dala nito, makakagawa ng kaukulang hakbang upang mabawasan ang epekto nito sa paggamit ng datos sa pagpaplano upang higit na maging matatag ang sektor ng pagsasaka sa likod ng nagbabagong klima.
Kailangan umano ang madaliang pagkilos upang makalahok ang karamihan sa pagpapatatag ng bansa at sektor ng pagsasaka sa mga pagbabago sa klima. Ani Kalihim Balisacan, ang anumang maantalang tugon ay mangangahulugan ng malaking halaga at mawawalang mga pagkakataon na siyang maglalayo sa mga ninanais makamtang kaunlaran.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |