|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Cotabato Arsobispo Orlando Beltran Quevedo, OMI, hinirang na Cardinal

ARSOBISPO QUEVEDO, HINIRANG NA CARDINAL. Ikapitong cardinal mula sa Pilipinas si Arsobispo Orlando B. Quevedo, OMI ng Cotabato. Sa edad na 74, hinirang siya sa kanyang naiambag sa pagpapalaganap ng pananampalataya at magandang nagawa bilang Secretary General ng Federation of Asian Bishops Conferences. (Roy Lagarde)
ISANG MALAKING KARANGALANGANG MAKASAMA SA COLLEGE OF CARDINALS SI CARDINAL QUEVEDO. Ito naman ang pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle matapos lumabas ang balitang hinirang ni Pope Francis si Arsobispo Quevedo upang makasama sa College of Cardinals. (Roy Lagarde)
CBCP, NATUWA SA PAGKAKAHIRANG KAY ARSOBISPO QUEVEDO. Sinabi ni CBCP President Socrates B. Villegas na malaking karangalan para sa mga obispo ng Pilipinas na mahirang ang Arsobispo ng Cotabato sa College of Cardinals. Si Arsobispo Quevedo ang kauna-unahang hinirang na Cardinal mula sa MIndanao. (Roy Lagarde)
NAKASAMA sa 16 na bagong cardinal si Cotabato Archbishop Orlando B. Quevedo mula sa kongregasyon ng Oblates of Mary Immaculate. Si Arsobispo Quevedo ang kauna-unahang pinangalanang cardinal mula sa Mindanao.
Isasagawa ang misa concelebrada sa ika-20 ng Pebrero sa Vatican sa seremonyang pamumunuan ni Pope Francis samantalang magkakaroon ng consistory upang iparating ang mensahe tungkol sa pamilya. Nagmula ang kanyang mga kasama sa 12 bansa na kinabibilangan ng Burkina Faso at Haiti.
Ikinagalak ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle ang pagkakahirang kay Arsobispo Quevedo. Biniyayaan ang Simbahan sa Pilipinas at sa Asia sa mga nakalipas na dekada sa paglilingkod at liderato ni Arsobispo Quevedo bilang Secretary General ng Federation of Asian Bishops Conferences.
Pinasalamatan niya si Pope Francis sa pagkilala kay Arsobispo Quevedo at sa Simbahan ng Mindanao. Tiniyak ni Cardinal Tagle ang suporta ng Arkediyosesis ng Maynila sa pananalangin. Isa umanong karangalang makasama sa College of Cardinals si Arsobispo Quevedo.
Sa panig ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas na lubhang nagagalak ang kapulungan ng mga obispo sa Pilipinas sa pagkakahirang kay Arsobispo Quevedo sa College of Cardinals.
Isang senior member ng Simbahang Katolika sa Pilipinas si Arsobispo Quevedo at tanyag sa kanyang katalinuhan. Naging pari sa hilagang bahagi ng Pilipinas hanggang sa makarating sa Mindanao at nakilala sa pagtatatag ng Basic Ecclesial Communities.
Ani Arsobispo Villegas, sa pagkakahirang kay Arsobispo Quevedo sa College of Cardinals, makakatulong siya kay Pope Francis na makipagbalitaan sa mga mahihirap sa Mindanao. Isang pagkilala ito sa lakas ng pananampalataya sa Mindanao, isang prueba na ang pananampalataya sa Mindanao ay nagbubunga na. Isa sa mga dahilan ng pagyabong ng simbahan sa Mindanao ay si Arsobispo Quevedo, dagdag pa ng pangulo ng CBCP.
Isinilang siya sa Laoag, Ilocos Norte noong ika-11 ng Marso, 1939 at na-ordenahan sa pagkapari sa ilalim ng Oblates of Mary Immacualte noong ika-lima ng Hunyo, 1964.
Noong ika-23 ng Hulyo 1980, nahirang siyang Obispo ng Kidapawan, North Cotabato. Naordenan sa pagka-obispo noong ika-28 ng Oktubre, 1980.
Noong ika-22 ng Marso, 1986, nahirang siyang Arsobispo ng Nueva Segovia sa Ilocos Sur. Pagsapit ng ika-30 ng Mayo, 1998, nahirang siyang Arsobispo ng Cotabato.
Sa edad na 74, hinirang siya bilang ikapitong cardinal na nagmula sa Pilipinas.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |