Sa kanyang pakikipagtagpo kahapon sa Bangkok kay Surakiart Sathirathai, dating Pangalawang Punong Ministro ng Thailand at Tagapangulo ng Asian Peace and Reconciliation Council, inilahad ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ang paninindigan ng kanyang bansa sa paglutas sa mga hidwaan sa Nansha Islands.
Binigyang-diin ni Wang na laging pinaninindigan ng Tsina na batay sa katotohanang pangkasaysayan at pandaigdig na batas, lutasin ang naturang mga hidwaan sa pamamagitan ng talastasan. Dagdag niya, ang pag-angkin ng soberanya sa Nansha Islands ay iginiit ng iba't ibang dating pamahalaan ng Tsina, at dapat ipagpatuloy ito ng kasalukuyang pamahalaan.
Inilahad din ni Wang ang tatlong prinsipyo ng Tsina sa paglutas sa mga hidwaan sa Nansha Islands. Una, dapat magkaroon ng solusyon ang mga panig na may direktang kinalaman sa isyu, sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan. Ika-2, patuloy na ipatupad ang Declaration on the Conduct cf Parties in the South China Sea, at unti-unting pasulungin ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea. At ika-3, aktibong pag-aralan ang "magkakasamang paggagalugad," na hindi lamang mahalaga para sa interes na pangkabuhayan ng iba't ibang panig, kundi rin isang maliwanag na signal hinggil sa kahandaan ng iba't ibang bansa ng rehiyong ito na maayos na lutasin ang mga hidwaan sa pamamagitan ng pagtutulungan.