Nagpalabas kamakailan ng mahabang artikulo si Tagapagsalita Zhang Hua ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas na nagpapaliwanag sa paninindigan ng kanyang bansa sa hidwaan sa teritoryo ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea.
Sa artikulong ito, inulit ni Zhang ang pangako ng Tsina na lutasin ang mga hidwaan, kasama ng Pilipinas, sa pamamagitan ng bilateral na talastasan. Binigyang-diin niyang ang pagtanggi ng Tsina sa pagtanggap sa pandaigdig na arbitrasyon hinggil sa hidwaan sa South China Sea ay angkop sa pandaigdig na norma at hindi labag sa pandaigdig na batas. Dagdag niya, ang pagharap at pagpapasulong ng Pilipinas ng arbitrasyon ay nakakapinsala sa relasyong Sino-Pilipino.
Ipinagliwanag din ni Zhang na matibay ang batayang pangkasaysayan at pambatas ng soberanya ng Tsina sa Nansha Islands, samantala, nagsimula lamang noong 1970s ang Pilipinas na umangkin ng soberanya sa mga islang ito, pagkaraang matuklasan ang yamang langis sa nakapaligid na karagatan. Sinabi ni Zhang na hindi umaasa ang Tsina na magaganap ang kaguluhan kasama ng alinmang kapitbansa nito. Pero aniya, kaugnay ng hidwaan sa South China Sea, isinagawa ng panig Pilipino ang apat na operasyong militar noong 1970, 1971, 1978 at 1980, at ilegal na sinasakop ang walong islang Tsino sa karagatang ito.
Tinukoy din ni Zhang na ang tunay na layon ng pagtuligsa ng Pilipinas sa "9-dashed lines" ng Tsina sa South China Sea ay pagtatangkang ipagkait ang soberanya ng Tsina sa Nansha Islands at rehiyong pandagat sa paligid ng mga ito, at pagtakpan ang ilegal na pagsakop ng Pilipinas sa ilang isla sa Nansha Islands. Aniya, ito ay hinding hindi tatanggapin ng Tsina.
Kaugnay naman ng umano'y isyu ng kalayaan at kaligtasan ng nabigasyon sa South China Sea, ipinalalagay din ni Zhang na ang pagharap ng isyung ito ay taktika lamang. Aniya, ang hidwaan sa Nansha Islands ay hindi nakakaapekto ngayon at hindi rin makakaapekto sa hinaharap sa kalayaan at kaligtasan ng nabigasyon sa South China Sea.
Sa dakong ibaba ay ang link ng buong teksto (sa wikang Ingles) ng nabanggit na artikulo ni Tagapagsalita Zhang Hua:
https://filipino.cri.cn/301/2014/04/04/103s127662.htm