Ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang pagpapasulong ng kooperasyon at relasyon ng Tsina at Europa ay makakabuti sa pag-unlad ng kabuhayang panrehiyon at pandaigdig, at pangangalaga sa pandaigdigang kapayapaan at katatagan.
Sa kanyang keynote speech kahapon sa ika-6 na Hamburg Summit na idinaos sa Alemanya, sinabi ni Li na nakahanda ang kanyang bansa na pasulungin, kasama ng Europa, ang bilateral na relasyon ng dalawang panig at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Sa summit na ito, ipinahayag ni Martin Schulz, Ispiker ng Parliamento ng Europa, na malawak ang komong kapakanan ng Europa at Tsina, at mahalaga rin ang pagkakaibigan ng dalawang panig. Nakahanda aniya siyang pasulungin ang mga kooperasyon ng dalawang panig sa iba't ibang larangan.
Sinabi naman ni Frank-Walter Steinmeier, Ministrong Panlabas ng Alemanya, na ang pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Europa ay nakakabuti sa kapakanan ng buong daigdig. Nakahanda aniya siyang pasulungin ang relasyon ng Tsina at Alemanya para patatagin ang mas makatarungan at makatwirang kaayusang pandaigdig.
Bukod dito, inilahad ni Li sa nasabing summit ang kalagayan ng kabuhayang Tsino at mga hakbangin sa reporma at pagpapasulong ng kabuhayang Tsino.