Sa Geneva, Switzerland—Binuksan dito kahapon ang unang round ng talastasan ng United Nations hinggil sa klima sa taong 2015.
Ang pangunahing tungkulin ng naturang 6-araw na talastasan ay pagpapatupad ng bungang narating sa Lima Climate Conference noong katapusan ng nagdaang taon. Paiikliin din ng iba't ibang panig ang isang 37 pahinang panukalang kasunduan na narating sa Lima Climate Conference, upang buuin ang bagong panukalang kasunduan ng Paris Climate Conference bago mag-Mayo.
Kahit gipit na sa panahon, dahil malapit nang idaos ang Paris Climate Conference, nangingibabaw pa rin ang pagkakaiba ng iba't ibang panig, lalong lalo na, sa pagitan ng mga maunlad na bansa at umuunlad na bansa. Kabilang sa mga pagkakaiba ay mga isyung gaya ng paghahati ng responsibilidad ng pagbabawas ng emisyon, pagbibigay ng pondo ng mga maunlad na bansa sa mga umuunlad na bansa, at iba pa.
Sa kasalukuyan, ang Kyoto Protocol na nagkabisa noong 2005 ang siyang tanging kasunduan na may mandatoryong bisa upang magkaroon ng aksyon sa pagharap sa pagbabago ng klima sa buong mundo, at ang deadline ng ika-2 yugto ng pangako nito ay sa taong 2020. Ito ay nangangahulugang, ang pagkakaroon ng bagong kasunduan sa Paris o hindi ay direktang makakaapeko sa pagkontrol sa pagbuga ng green house gas sa buong daigdig, at kooperasyong pandaigdig hinggil sa pagharap sa pagbabago ng klima, pagkaraan ng taong 2020.
Salin: Vera