|
||||||||
|
||
BONN, Alemanya--Natapos kamakailan ang ikalawang round ng United Nations (UN) negotiations hinggil sa pagbabago ng klima. Ayon sa mga kalahok at tagamasid, naging positibo ang mga natamong bunga ng katatapos na pagsasanggunian.
Sa dalawang linggong pagtatalastasan, binalangkas ng mga negosyador mula sa halos 200 bansa ang bagong kasunduan hinggil sa pagbabago ng klima. Pagkaraan ng dalawa pang katulad na talastasan sa darating na Agosto at Oktubre, ang kasunduan ay nakatakdang lagdaan sa katapusan ng taong ito sa Paris, at magkakabisa sa 2020.
Sinabi ni Su Wei, punong negosyador ng Tsina na sa kasalukuyan, binabalangkas ng bansa ang ulat hinggil sa mga isasagawang pambansang hakbangin bilang tugon sa pagbabago ng klima pagkaraan ng 2020. Sinabi rin ni Su na mababasa sa ulat ng Tsina ang target nito sa pagpapahupa ng epekto ng pagbabago ng klima, pambansang patakaran, lehislasyon at katugong mekanismo. Binabalak aniya ng Tsina na isumite ang ulat sa UN sa lalong madaling panahon.
Ipinangako rin ng kinatawang Tsino na patuloy na isasabalikat ng Tsina ang pandaigdig na responsibilidad, batay sa pambansang kalagayan, yugto ng pag-unlad at aktuwal na kakayahan.
Hiniling din ni Su sa mga maunlad na bansa na tupdin ang kanilang obligasyon sa pagkakaloob ng tulong pinansyal at teknolohikal sa mga umuunlad a bansa. Idinagdag niyang noong 2009, nangako ang mga maunlad na bansa na sa 2020, aabot sa 100 bilyong US dollars ang kanilang taunang tulong na salapi sa mga umuunlad na bansa, pero, malayo pa sila sa pagtupad sa pangako.
salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |