Iniharap kahapon ng Tsina sa Sekretaryat ng United Nations Framework Convention on Climate Change ang dokumento hinggil sa nagsariling ambag ng bansa sa pagharap ng pagbabago ng klima, na pinamagatang "Enhanced Actions on Climate Change: China's Intended Nationally Determined Contributions."
Nang katagpuin ni Pangulong François Hollande ng Pransya si dumadalaw na Premyer Li Keqiang ng Tsina, ipinatalastas ni Li ang impormasyong ito. Aniya, tiniyak ng pamahalaang Tsino ang target ng nagsariling aksyon hanggang sa taong 2030, batay sa kalagayan ng estado, yugto ng pag-unlad, estratehiya ng sustenableng pag-unlad, at responsibilidad na pandaigdig. Patuloy at kusang-loob na aangkop ang Tsina sa pagbabago ng klima, at pahuhusayin ang sariling kakayahan sa mga larangang gaya ng pagpigil sa panganib, pagpapalabas ng maagang babala, pagpigil at pagbabawas ng kapinsalaang dulot ng kapahamakan, at iba pa.
Tinukoy pa ni Li na upang maisakatuparan ang naturang mga target, iniharap ng plano ng Tsina ang isang serye ng karagdagang patakaran at hakbangin hinggil sa sistema at mekanismo, pamamaraan ng produksyon, modelo ng konsumo, patakarang pangkabuhayan, inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya, kooperasyong pandaigdig at iba pa.
Kapuwa nagpahayag nang araw ring iyon si Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN at ang pamahalaan ng Estados Unidos ng pagtanggap sa naturang dokumento ng Tsina. Anila, ang aksyong ito ay nagkaloob ng "tuluy-tuloy na lakas-panulak" para sa pagpapasulong ng kasunduan sa nalalapi na Paris Climate Conference.
Salin: Vera