Kaugnay ng pagbanggit ng isyu ng South China Sea sa magkakasanib na komunikeng ipinalabas ng Ika-48 Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng ASEAN, ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na laging nagsisikap ang kanyang bansa, kasama ng mga bansang ASEAN, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea.
Inulit ni Hua ang paninindigan ng Tsina na batay sa katotohanang pangkasaysayan at pandaigdig na batas, isagawa ng mga bansang may direktang kinalaman sa isyu ng South China Sea ang talastasan at pagsasanggunian, para lutasin ang hidwaan sa isyung ito. Nakahanda rin aniya ang Tsina, kasama ng mga bansang ASEAN, na magkaroon ng komong palagay, palalimin ang kooperasyon, at kontrolin ang hidwaan, para ang South China Sea ay maging karagatan ng kapayapaan, pagkakaibigan, at pagtutulungan.
Salin: Liu Kai