"Maliwanag at di-magbabago ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng East China Sea at South China Sea, at nananatiling malaya ang paglalayag sa karagatan at paglilipad sa himpapawid dito." Ito ang ipinahayag kaninang umaga, Abril 12, 2016 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, bilang tugon sa pahayag mula sa pulong ng Ministrong Panlabas ng G7 na idinaos kahapon sa Hapon hinggil sa mga isyu ng naturang karagatan. Ipinahayag ni Lu na ang pagtatatag ng pasilidad ng Tsina sa mga isla sa South China Sea ay mga suliraning panloob ng bansa. Ani Lu, buong lakas na nagsisikap ang Tsina para pangalagaan ang soberanya, kabuuan ng teritoryo, at lehitimong karapatan at interes sa karagatan. Samantala, nakahanda aniya ang Tsina na magdiyalogo, kasama ng mga direktang may-kinalamang bansa para maayos na lutasin ang mga hidwaan, batay sa katotohanang pangkasaysayan at regulasyong pandaigdig. Dagdag pa niya, tatanggihan ng Tsina ang anumang ilegal na arbitrasyon hinggil sa isyung ito.
Sinabi rin ni Lu na sa harap ng di-magandang kalagayang pandaigdig, inaasahang magpopokus ang G7 sa kung paanong mapasulong ang pangangasiwa at pagtutulungang pangkabuhayan ng daigdig, sa halip ng paglikha ng kasalungatang panrehiyon. Hinihimok aniya ng Tsina ang G7 na tupdin ang pangako nitong walang papanigan sa mga isyung may-kinalaman sa alitan ng teritoryo, at patingkarin ang konstruktibong papel para pangalagaan ang katatagan at kapayapaan ng rehiyon.