Pinakli nitong Lunes, Mayo 9, 2016 ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina bilang tugon sa pahayag ng ilan, na napilitan isumite ng Pilipinas ang arbitrasyon sa isyu ng South China Sea sa arbitral tribunal sa Hague, dahil sa malaking agwat ng puwersang pambansa sa pagitan ng Tsina at kanyang bansa.
Tinukoy ni Lu na sa mula't mula pa, iginigiit ng Tsina ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga bansa sa daigdig, malaki man o maliit. Samantala, itinatanggi aniya ng Tsina ang panunupil sa ilang maliit na bansa, at di rin nito pahihintulan ang katulad na pagtrato mula sa ibang bansa, sa pamamagitan ng ibat-ibang paraang labag sa pandaigdigang batas.
Sinabi ni Lu na bilang isang nasyong nagmamahal sa kapayapaan, positibo ang mga mamamayang Tsino sa pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at mapayapang paglutas sa pagkakaiba ng palagay. Aniya, noong 1949 sapul ng pagkakatatag ng Republikang Bayan ng Tsina, tiniyak ng Tsina, kasama ng 12 sa 14 na kapitbansa, ang 90% ng hanggahan sa lupa, sa pamamagitan ng talastasan batay sa mga may-kinalamang katotohanang pangkasaysayan at pandaigdigang batas. Bukod dito, itinakda na ng Tsina at Biyetnam ang hanggahang pandagat sa Beibu Gulf sa pamamagitan ng diyalogo, dagdag pa niya.
Ipinahayag ni Lu, na bilang isang bansang may mahalagang impluwensiya sa mga suliraning panrehiyon, isinasabalikat ng Tsina ang responsibilidad sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Dagdag pa ni Lu, nananatiling bukas ang pinto ng negosasyon hinggil sa isyu ng South China Sea.