China Culture Centre, Singapore—Ginanap Sabado ng gabi, Enero 26, 2019 ang seremonya ng pagbubukas ng "Taon ng Kultura at Turismo ng Singapore at Lalawigang Jiangsu ng Tsina sa 2019." Ang mga aktibidad ng nasabing programa sa buong taon ay inaasahang magpapasigla ng bagong lakas-panulak sa pagpapasulong sa people-to-people exchanges ng dalawang bansa.
Ang nasabing aktibidad ay magkasamang itinataguyod ng China Culture Centre sa Singapore, Departamento ng Kultura at Turismo ng Lalawigang Jiangsu, at Samahan ng mga Taga-Jiangsu sa Singapore. Sa seremonya ng pagbubukas, itinanghal ng grupong pansining ng Jiangsu ang makukulay na palabas na gaya ng kanta, sayaw, akrobatiko at pagtugtog ng mga instrumento.
Ipinahayag ni Xiao Jianghua, Direktor ng China Culture Centre sa Singapore, na batay sa ideya ng "pagpapalaganap ng turismo sa pamamagitan ng ideyang kultural, mapapalaganap ang kultura sa pamamagitan ng pamamaraang panturista," ilalatag ng kanyang sentro ang mas maraming plataporma para sa people-to-people exchanges sa pagitan ng Lalawigang Jiangsu at Singapore.
Sinabi naman ni Tin Pei Ling, Miyembro ng Parliamento ng Singapore, na ang Tsina ay pinakamalaking bansang pinanggagalingan ng mga manlalakbay sa Singapore, at ang Singapore naman ay ika-10 pinakamalaking bansang pinanggagalingan ng mga manlalakbay sa Tsina. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng naturang aktibidad, ibayo pang mapapasulong ang pagpapalitan ng tauhan at kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng kapuwa panig.
Salin: Vera