Sinabi kahapon, Biyernes, ika-19 ng Abril 2019, sa Beijing, ni Xi Jinping, Pangulo ng Tsina at Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na ang May Fourth Movement ay mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Tsina, at ang May Fourth Spirit ay mahalagang pamanang ispiritual. Dapat aniya palakasin ang pag-aaral sa May Fourth Movement at May Fourth Spirit, bilang pampasigla sa kabataan para walang humpay na magbigay ng ambag sa dakilang pag-ahon ng nasyong Tsino.
Naganap noong ika-4 ng Mayo 1919, sa Beijing ang May Fourth Movement. Ito ay isang makabayang kilusan laban sa imperyalismo at piyudalismo, na sinimulan ng mga batang estudyante at nilahukan ng mga karaniwang mamamayan mula sa gitna at mababang antas ng lipunan. Pagkaraang itatag ang Republikang Bayan ng Tsina noong 1949, ang ika-4 ng Mayo ay itinakda bilang Araw ng mga Kabataan. Ang darating na ika-4 ng Mayo sa taong ito ay ika-100 anibersaryo ng May Fourth Movement.
Salin: Liu Kai