Ipinatalastas kahapon, Biyernes, ika-23 ng Agosto 2019, ng Tsina, ang pagpataw ng 10% o 5% karagdagang taripa sa halos 75 bilyong Dolyares na paninda mula sa Amerika, at isasagawa ang hakbanging ito sa pamamagitan ng dalawang yugto, isa ay ang unang araw ng susunod na Setyembre at isa naman ay ika-15 ng darating na Disyembre. Samantala, panunumbalikin sa ika-15 ng Disyembre ng taong ito ang pagpataw ng 25% o 5% karagdagang taripa sa mga sasakyan at mga piyesa ng sasakyang yari ng Amerika.
Ang mga hakbanging ito ng Tsina ay bilang tugon sa balak na ipinatalastas kamakailan ng Amerika hinggil sa pagpataw ng 10% karagdagang taripa sa 300 bilyong Dolyares na panindang Tsino. Ang naturang aksyon ng Amerika ay grabeng paglabag sa mga komong palagay na narating ng mga lider na Tsino at Amerikano sa kanilang mga pagtatagpo sa Agentina at Hapon, at humantong ito sa paglala pa ng hidwaang pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa. Makatwiran at karapat-dapat ang pagsasagawa ng Tsina ng mga katugong hakbangin, at muli nitong ipinakikitang hindi sumusuko ang Tsina sa anumang presyur.
Kabilang sa mga panindang Amerikanong papatawan ng Tsina ng bagong karagdagang taripa ay soybean, krudong langis, at sasakyan, at ang mga ito ay mga pangunahing panindang iniluluwas ng Amerika sa Tsina. Kung papatawan ng karagdagang taripa, hihina ang lakas kompetetibo ng mga panindang ito sa pamilihang Tsino, at magkakaroon ng malaking kapinsalaan ang mga may kinalamang sektor at kompanya ng Amerika. Dahil dito, pagkaraang ipatalastas ng Tsina ang hakbangin ng pagpataw ng karagdagang taripa, bumaba ang tatlong pangunahing stoch index ng Amerika, at ipinakikita nito ang pagkabahala ng pamilihan sa paglala ng hidwaang pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika.
Malinaw at di-magbabago ang paninindigan ng Tsina sa "trade war." Nakahanda ang Tsina na isagawa ang kooperatibong paraan para lutasin ang hidwaan kasama ng Amerika, pero hinding hindi gagawa ang Tsina ng konsesyon sa mga malaking isyung may prinsipyo. Hindi dapat magkaroon pa ang Amerika ng maling pagkaunawa sa isyung ito.
Salin: Liu Kai