Ipinasiya kamakailan ng Financial Stability and Development Committee ng Konseho ng Estado ng Tsina, na ibayo pang palalimin ang reporma sa pamilihan ng kapital ng bansa, para mas mabuting patingkarin ang papel ng pamilihang ito sa pagpapasulong ng de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan. Samantala, ipinahayag naman noong isang linggo ng China Securities Regulatory Commission, na halos nabuo na ang pangkalahatang plano hinggil sa reporma sa pamilihan ng kapital ng bansa.
Ipinakikita ng dalawang ulat na ito na ginagawa ng Tsina ang paghahanda para sa pagpapalalim ng reporma sa pamilihan ng kapital, at inaasahang palalakasin pa ang kakayahan ng pamilihang ito para sa paglilingkod sa real economy.
Ayon sa mga may kinalamang dalubhasa, sa kasalukuyang pagpapalalim ng reporma sa pamilihan ng kapital ng Tsina, ang science and technology innovation board ng Shanghai Stock Exchange ay magiging simula ng usaping ito, at sa pamamagitan nito, palalakasin ang top-level design ng pamilihan ng kapital. Samantala, bilang tugon sa kahinaan ng pamilihan ng kapital ng Tsina na hindi sapat ang mga pangmatagalang pondo at institutional investor, ilalabas din ang mga hakbangin para hikayatin ang mga institutional investor, at lilikhain ang magandang kondisyon para makapasok sa pamilihan ng kapital ang mas maraming pangmatagalang pondo.
Kasunod ng pagsasagawa ng naturang reporma, may pag-asang magiging mas masigla at malakas ang pamilihan ng kapital ng Tsina, at maisasakatuparan ang target na palakasin pa ang kakayahan ng pamilihang ito para sa paglilingkod sa real economy. Sa bandang huli, ang pamilihan ng kapital ay magiging malakas na elemento para sa pagpapasulong ng de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan ng Tsina.
Salin: Liu Kai