Bubuksan bukas, Sabado, ika-21 ng Setyembre 2019, sa Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, ang Ika-16 na China-ASEAN Expo (CAExpo).
Bilang isa sa mga pinakamahalagang plataporma ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ang tema ng kasalukuyang ekspo ay "Magkakasamang Pagpapasulong ng Belt and Road, at Magkakasamang Pagsasakatuparan ng Komunidad na May Pinagbabahaginang Kinabukasan." Inaasahang mararating dito ang mga kasunduang pangkooperasyon hinggil sa kalakalan, pamumuhunan, konstruksyon ng imprastruktura, lohistika, digital economy, at iba pa. Ipapakita nito ang magandang tunguhin ng pagpapalakas ng Tsina at ASEAN ng koordinasyon ng kani-kanilang estratehiyang pangkaunlaran, at pagsasakatuparan ng mutuwal na kapakinabangan at win-win result.
Sa pamamagitan ng 16-taong pagpapasulong, ang CAExpo ay naging mahalagang plataporma ng pagbubukas, pagtutulungan, at pagpapalitan sa pagitan ng Tsina at ASEAN. Sa kasalukuyan, sa harap ng bagong round ng pandaigdig na rebolusyon ng siyensiya, teknolohiya, at industriya, at bilang tugon sa mga epekto sa kaunlarang pandaigdig na dulot ng lumalalang unilateralismo at proteksyonismo, mahalaga ang ibayo pang pagpapahigpit ng Tsina at ASEAN ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan. Makakatulong ito sa kasaganaan at kaunlaran ng kapwa panig, at magbibigay din ng bagong lakas sa kasaganaan at kaunlaran ng buong Asya-Pasipiko.
Salin: Liu Kai